Thursday, 23 April 2009

Chat...chat...chat...

Internet age na daw kaya hindi mabubuhay ang sinuman kung walang internet. Makatotohan nga ito pagdating sa kalagayan namin dito at sa lahat ng OFW sa buong mundo. Ito lang kasi ang pinakamurang paraan ng komunikasyon, ang pag cha chat.
Malaki na nga ang nagbago sa teknolohiya na kung dati ay gumagamit pa tayo ng ‘snail mail’na ipinapadala sa kuryo, ito yung liham na ang ginagamit nating papel ay ‘yellow pad’ o kung gusto mong magpa impress ay ‘stationery paper’ ang susulatan mo ng mga katagang, “Sa Minamahal kong…”o kaya nama’y, “Sana’y datnan ka ng sulat ko na nasa mabuti kang kalagayan…” na isisilid mo sa puting sobre na kadalasay may tatak na “via airmail”.
Iba na nga ang panahon, iba na ang mga tao ngayon at isa sa nagpalakas ng aking loob na magtrabaho dito at mawalay sa aking mga mahal sa buhay ay ang Internet. Naisip ko ang propagandang minsa’y ginamit ng isang telephone company, “malayo ma’y malapit din!” na s’yang inukol sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad upang gamitin ang kanilang serbisyo sa komunikasyon para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa malayo. Nang dahil sa internet ay hindi lang makapag uusap ang nagmamahalan kundi’y magkikita pa ang isa’t isa sa pamamagitan ng web camera at magpapalitan ng mga katagang langit ang hangganan.
Sa pag aakalang mapapawi na ang lumbay at pagka homesick sa pamamagitan nito ay kung maaari lang na buong panaho’y gusto kong gugulin dito. Subali’t iba pa rin talaga na malapit ka sa iyong minamahal, ang kagustuhan mo minsan na yumakap at sila’y hagkan ay walang kapalit na kaligayahan…
Pero kahit papano’y nagkakasya na lang kami sa ganitong paraan na kung ikukumpara mo kaysa noon ay di kawasa’y mas mapalad naman. 


0 comments:

Post a Comment