Friday, 9 April 2010

Paunawa

Ang mababasa n'yo dito ay sadyang isinulat halos sa wikang Filipino upang hindi maipaunawa sa ibang mga lahi na nasasangkot sa mga sumusunod na talata...

Ito'y hindi panghahamak o pang aalipusta kundi'y pagsasabi  lamang ng totoo.

Mas maganda kung ito'y uumpisahan mo sa simula.

Sunday, 25 October 2009

Ali Baba

Siya'y sikat na bida sa isang Arabian literature na kumuha sa mga ginto ng apatnapung magnanakaw sa isang kweba at nakilala sa mga katagang "open sesame". Ngayon, ang salitang Ali Baba'y ginagamit na lang dito kung san ito nagsimula, kung tatawagin ka nilang magnanakaw, at maraming ganyan dito. At dahil nga tungkol sa mga Ali Baba ang paksa ko ngayon ay narito ang mga patotoo.

Nitong nakaraang Eid Holidays ay mahigit kumulang na sandaang kabataan ng bayang ito ang nanloob, nagbasag at nag Ali Baba sa maraming establisyemento na tulad ng Mcdo, KFC, Starbucks, Chinese Tandori, mga mamahaling boutique ng mga imported na salamin sa mata atbp. Ginawa nila ito ng sabay sabay sa pamamagitan ng pag hahati hati sa kanilang grupo sa iba't ibang lugar at pag atake sa iisang oras na sa sang saglit lamang ay parang dinaanan ng delubyo ang mga kawawang negosyo. Noon ay holiday at katatapos lang ng ramadan na sana'y nakapaghikayat sa kanilang magpakabanal. Siguro'y si Kassim,ang tampalasang kapatid ni Ali Baba, ang kanilang iniidolo. Nadakip naman ng mga pulis ang karamihan sa kanila at nawa'y naparusahan nang hindi na pamarisan.

Sumunod naman ay nitong nakaraang Biyernes lamang kung saan ay mayroong nang Ali Baba sa isang sikat na Ospital dito sa pamamagitan ng pagkuha ng isang maliit na vault mismo na naglalaman ng halos dalawan daaang libong Riyales. Nakuhanan sa mga CCTV camera ang ginawa ng Ali Babang iyon subalit hindi naman ito nakilala. Kasi nama'y nakasuot ito ng abaya, ito ang itim na mahabang damit na sinusuot karaniwan ng isang Arabiana at ng lahat ng babaeng Expat sa bayang ito na may tabing pati ang ulo na tanging mata lamang ang nakalitaw at minsan ang kamay ay mayroon ding itim na gwantes. Nagpanggap itong isang babae na may tulak-tulak na Stroller ng isang sanggol kung saan niya ilalagay ang naturang vault. Malaya s'yang nakagala sa buong ospital ng walang pumapansin kahit na ang mga gwardya dahil inakalang s'ya ay isang babae at istrikto ang batas ng bayang ito tungkol sa pakikitungo sa mga kababaihan. Kinabukasan na nadiskubreng nawawala ang vault at ng ito'y tingnan sa rekord ng mga kamera ay di kakatwang wala silang nagawa kundi hangaan na lang si Ali Baba.

Sunday, 13 September 2009

Blood... blood...

Padugo yan ang tawag ng mga pinoy dito sa pag bebenta ng dugo sa mga hospital na kadalasa'y ginagawa kung kailangan nila ng mabilisang pera. May kakilala ako na mayroon pang parang Suki card kung saan nakalagay doon ang mga petsa kung kailan siya nagpakuha ng dugo. Iba ibang ospital ang suki card nya at alam din niya kung magkano at alin ang mas mahal bumili ng dugo. Ang normal na bilihan ng dugo dito ay nasa 300 hangang 500  Riyal kaya sinusuyod nila ang mga ospital para malaman ang ibat ibang rate kapalit ng ilang basong dugo. Meron namang ospital na barat kaya pagkatapos mong magbigay ng dugo ay papakainin ka lang at bibigyan ng isang mp3 player. 
Hindi ko maintindihan kung bakit mahal ang dugo dito kaya nga't marami ang ginagawa itong pagkakakitaan. Siguro'y madalang ang mga Arabong nagbibigay ng libreng dugo na tulad dyan sa atin na may tinatawag tayong blood letting at blood donation sa Red Cross. Siguro di'y hindi nila tradisyon ang pamimigay ng dugo at sagrado para sa kanila ang bawat patak ng dugo na nananalaytay sa kanilang mga kamay. Kaya nama'y halos lahat ng dugo sa mga blood bank ng bansang ito'y dugo ng mga banyaga na gipit sa salapi. 
Masubukan nga ito...

Friday, 4 September 2009

Indian foods

Masarap ang mga Indian foods!?!?!?!?...
Narito ang mga pagkaing tiyak na kapupulutan nyo ng magagandang aral sa pagluluto na eka nga eh "the best and unique recipe in the world".
1. Sopas na gatas  na may halong  sibuyas.
2. Pritong itlog na may palamang sandamukal na berdeng sili.
3. Nilagang itlog na may curry sauce.
4. sibuyas, malaking sibuyas as side dish.
5. sabaw na curry araw-araw...
6. lugaw na may curry
7. instant noodles na curry flavor
8. Beef fatties with curry
9. Egg plant and potatoes with curry sauce
10.Fish with curry
etc. with curry...

Saturday, 29 August 2009

My TV channels

Apat na channels lang ang napapakinabangan ko sa tv ko, HBO, Star Movies, GMA pinoy tv at BBC, minsan pa nga ay tinatanggal ang HBO at Star Movies lalo na at mayroong National Cricket competition na kasali ang India. Lahat ay Indian, Pakistan at Bangladeshi channels na maliban sa apat na ito, nakikikabit lang kasi kami sa satellite dish ng isang bumbay dito na empleyado rin ng aming kumpanya kapalit ng 20 Riyal buwan buwan. 
Minsan kung wala akong mapanood na maganda sa mga channel na nabanggit ay sinusubukan kong sumilip ng mga Indian channels. Meron din silang kantahan na parang American Idol ang istayl kaya lang ay di ko alam kung bakit may nananalo eh pare-pareho lang naman ang tono, lahat ay matitining at matataas  ang nota na di na kailangang huminga, siguro'y matatalo ka kung bigla mong nalimutan na di pala dapat hihinga. Yung iba namang palabas ay mas corny pa sa mga pelikula natin ha ha... yung mga action movies nila eh dapat laging may mababasag na dingding o salamin kapag sinuntok at tumilapon ang bida o ang kaaway. Halos lahat naman ng palabas sa iba pang channels ay sayawan at kantahan ng pare-parehong tono at magkakamukang sayaw. Ang sports naman nila na cricket ay di ko rin maintindihan kung pano nilalaro, ang pamalo nila ay parang palo-palo sa atin tuwing naglalaba yung mga tita ko sa probinsya. Ang HBO dito ay mayroong advertisement na puro produkto sa India tulad ng Lays potato chips na Indian flavor, cello, na national pen daw ng India, ibat ibang chichiria na may tomato and ice cream flavors, kotse na kasya daw ang sampu at iba pang sponsor nito sa bansang iyon.
Yan ang isa sa mga libangan ko dito, kayo gusto nyong magpakabit ng cable ko?

Friday, 28 August 2009

Ramadan 1430

Ramadan ang pang siyam na buwan sa kalendaryong Muslim at 1430 naman ang taon nila ngayon, ito raw ang buwan kung kailan ibinigay kay Muhamad ang Quran galing sa langit ni Gabriel, ang arkanghel na sya ring nagbigay ng balita kay Maria tungkol sa kanyang pagiging Birheng Ina ni Hesus. Panahon ito ng pag aayuno at pangingilin ng mga Muslim. Nagsimula ito noong nakaraang linggo Agosto 22 at matatapos naman sa Setyembre 19 at taun-taon ay nagbabago ito ng petsa sang ayon sa sinusunod nilang kalendaryo na batay sa pagsikat at anyo ng buwan.

Hindi sila kumakain,umiinom at naninigarilyo o anumang kalabisan sa buwan na ito simula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito sa hapon subalit sa gabi'y malaya nila lahat itong nagagawa. Pumapasok din sila sa trabaho ngunit karaniwa'y anim na oras lang at animo'y laging nagmamadali, ang iba nama'y tahimik lang at di nagsasayang ng lakas upang hindi agad mauhaw at magutom. Hindi namin pwedeng ipakita sa kanila at ipaamoy man lang na kami'y kumakain at umiinom bilang pagrespeto sa tradisyon ng kanilang relihiyon kaya madalas ay nagtatago kami at ipinipinid ng husto ang pantry tuwing kami ay kakain ng tanghalian.

Sa umaga'y madalang ang makikita mong kotse sa daan kung meron ma'y malamang na syento sisenta kada oras ang takbo nito sa pagmamadali upang siguro'y di makaliban sa kanilang pagsasala na malimit gawin sa isang araw at mas mahabang oras kaysa sa ordinaryong araw. Sarado rin lahat ng mga establisyemento at paglubog ng araw ito nagbubukas hanggang sa kalagitnaan ng gabi. Mayroon ding namimigay ng mga pagkain sa kalsada tuwing alas-sais ng hapon upang ang ibang nagugutom na subalit nasa daan pa ay kanilang mabigyan ng pansamantalang pantawid-gutom. 

Maiihalintulad ko ang buwan na ito sa buwan ng Adbyento sa ating mga Kristyano kung kailan tayo ay naghahanda sa araw ng kapanganakan ni Kristo. Sila, tulad natin, ay bumibili din ng mga kasangkapan at nagpapalit ng mga gamit sa bahay bago sumapit ang ramadan. Marami ding bilihin ang ibinababa ang presyo katulad ng mga buy 1 take 1, bargain sale atbp, bilang paghahanda sa tradisyong ito. 

Ramadan Kareem at Ramadan Mubarak ang madalas mong makikita at maririnig bilang pagbati nila sa isat isa na ang ibig sabihin sa wikang ingles ay generous, bountiful at ang huli nama'y blessed na tulad din kung tayo'y babati tuwing Pasko at Bagong Taon. 

Sana'y laging Ramadan dito...

Friday, 26 June 2009

The Lion hearted

Richard ang pangalan ng isang pinoy na nakasabay ko dito sa kumpanya, magaling at marami na syang karanasan sa trabaho sa Pinas na katulad rin ng aking propesyon.  Subalit sa mga oras na ito ay nagbibyahe na sya pabalik dyan sa atin, tinanggal sya dahil ang kumpanya daw ay nagcost-cutting dahil pa rin sa krisis. Sa katunayan halos kalahati ng populasyon ng bawat department ang tinatanggal para makatipid ang kumpanya. Nagsimula ito nang ang may ari nito na minsa'y naging pang animnaput dalawang pinakamayaman sa Forbes magazine at isa sa mga top shareholders ng bankong HSBC ay na-freeze ang accounts dahil sa bilyong pagkakautang sa gobyerno ng Saudi. At ngayon nga'y patuloy ang retrenchment at halos lahat ng mga expat na puti na may matataas na posisyon ay pinauuwi na rin.

Ngunit ang masaklap dito ay dahil  tatlong buwan pa lang si Richard kaya wala syang nakuha maski singkong duling at ang kanyang huling sahod ay hindi na ibinigay para daw ito sa kabayaran ng kanyang placement fees atbp. kaya sya pa ang may utang na humigit kumulang na SR700. Nang kanyang itanong kung bakit ganoon ay ipinakita sa kanya ang batas ng Saudi na nasa Article 80 Seksyon 6 na nagsasabing wala kang makukuha kung ikaw ay hired on probation at ikaw lahat ang magbabayad ng gastos mo. Hindi ko alam kung ano ang tunay na ibig sabihin ng seksyong iyon kaya kayo na lang ang humusga. Kami ay nahired as contractor na nasa probationary period pa lang di ko alam kung meron bang trabaho dito na casual tulad sa atin dahil sa pagkakaalam ko sa ganyan applicable ang batas na yan.

Sa makabagong panahon, ang mga batas ng kahit saang bansa ay may mga patas na kautusan na kailangan lamang unawain ng maayos at bigyan ng malawak na kaisipan na walang halong diskriminasyon anu pa mang lahi ang nasasangkot dito.

Si Richard ay isang biktima ng kababawan ng isip ng mga taong ito. Una pa riyan ay ang pagkaka pili ng pangalan nya sa lahat ng roaster ng halu halong letra ng mga pangalan ng Itik at iba pang kailangan mong ibaluktot ang dila mo para mabigkas. Noong una pa lang tawagin ang kanyang pangalan ay naitanong na daw sa kanya kung kilala nya si Richard the Lion hearted at ang sabi nyay hindi, kaya iiling iling at nakangiti lang ito, at tuwing syay magpapakilala kung kaninu man ay sikat na sikat ang kanyang pangalan na para bang matagal ng kilala ang pangalan nya.

Sa mga di nakakaalam o sa mga ayaw ng mag research, si King Richard I ng Inglatera ay tinaguriang 'the lion hearted' dahil sa kanyang tapang at nakilala sya sa pagpatay sa napakaraming moro dito sa Gitnang Silangan na pinamumunuan ni Saladin at iba pang mga sultan noong ikatlong Krusada na tinaguriang krusada ng mga hari.

Si Richard ay uuwi ng halos butas ang bulsa, nakakaawa ma'y wala akong magawa kaya ito na lang ang maitutulong ko. Hindi man lamang sya nailagay sa pwesto ng buong dalawang buwan nyang pagpasok sa trabaho kaya hindi nga nila pwedeng sabihin na sya ay bumagsak sa ebalwasyon dahil ni hindi man lang sya nasubukan, wala rin naman syang ginawang kasamaan dahil hindi naman nya kayang pumatay ng mga moro dahil lipas na ang panahon ng mga krusada. 

Sa mga kinauukulan kung sino man ang gustong mamulitika dahil malapit na ang eleksyon, magpapasalamat pa rin ako kung matutulungan  nyo ang mga katulad namin sa mga ganitong sitwasyon. Pano na lang kung liman daan kaming manggagawa na na hire at pina alis ng sabay sabay pagkatapos ng dalawang buwan? At sabihing krisis kaya kami'y walang makukuha at kailangan pang bayaran ang placement fee sa Pilipinas. Pati ang aming plane ticket kami rin daw ang sasagot sa ganoong sitwasyon, ito ang maling interpretasyon sa batas...      

Sana'y magpa change name na ang mga Richard na nagbabalak pumunta dito.