Saturday, 4 April 2009

Alkhobar City

Maganda ang Alkhobar, syudad at maraming establisyemento at pamilihang tiange tulad ng sa Pinas. Maikukumpara mo nga ito sa pinaghalu-halong greenhills, baclaran, divisoria at quiapo isama mo pa ang Binondo. Marami ding pinoy na nagkalat dito mapa galing sa ibang parte ng Saudi o mismong mga nagtatrabaho dito bilang barbero, sales attendant, teller, representatante ng bangko sa Pinas atbp. Meron pa ngang mga restoran dito na ang pangalan ay 'kabayan' na syemprey mga pinoy lamang ang kumakain at mga lutong pinoy din ang inihahain tulad ng adobong manok, pritong manok, chicken curry, tinolang manok at maraming klase pang luto ng baka at seafoods. Di nga kasi pwede ang baboy dito subalit maraming baboy!

Masarap nga pala dito ang 'broasted' yun ay wala pa sa Pinas, nasa 10Rial lang na pwede mong sabihing P120 sa Pinas ngunit mas mabubusog ka naman kaysa sa 2pc chicken joy ng jolibee. 

Ito kasi ay may 4 na malalaking hiwa ng manok, may kasama ding french fries,ketchup, mayonaise,soda in can at 'kubus' ito ay parang pita na tulad ng balat ng shawarma na mas makapal lamang na nagsisilbing tinapay. Sabi nga ng ilan yung 'kubus' daw ang ginamit na unang hostya ni Hesus kasi ito ang pangkaraniwang tinapay dito na bilog, gawa sa trigo at madaling hatiin.

Mura din ang ilang bilihin dito sa Khobar kaya lang ay wag kang mag co convert sa pera ng Pinas dahil ang mura dito'y standard ng bansang ito at ayon din sa iyong kakayahang bumili. Wala ka ditong mabibili sa pagkakaalam ko sa anumang groserya na mas mababa sa 1Rial. Pero kung iisipin mo na ang Pepsi in can ay 1 Rial lang ay mamamangha ka at mamumurahan.

Dito sa Khobar nagpapadala ang  mga pinoy ng remittance papuntang Pinas, bukas kasi dito ang mga bangko at ahensya ng padalahan kahit gabi dahil siguro'y alam nilang sa ganung panahon lang sila mapupuntahan ng mga expats. Mukhang mura din dito ang mga ginto na sinasabi nilang 'Saudi Gold', yun ang mga nakikita natin na suot-suot ng mga tiyuhin natin na nakapag saudi noong unang panahon. Dito nila malamang binibili yung mga naninilaw na bagay sa kanilang mga katawan na parang may sakit na hepatitis kung sila'y tingnan. Di ko kasi yun masyado pinapansin kaya di ko pa alam kung mura nga ba kapag ito'y na convert mo sa pera natin. Si Manong rolly nga yung isang kasama namin dito na beterano na sa saudi ay minsang sinabi sa akin kung ako daw ba ay magpapadala ng ginto sa kanya dahil malapit na ang kanyang bakasyon sa Pinas, ang sabi ko'y di naman prioridad sa akin ang ginto basta't ginintuan ang aking puso,at sya'y napatawa ng malakas ha ha ha.

0 comments:

Post a Comment