Sunday, 25 October 2009

Ali Baba

Siya'y sikat na bida sa isang Arabian literature na kumuha sa mga ginto ng apatnapung magnanakaw sa isang kweba at nakilala sa mga katagang "open sesame". Ngayon, ang salitang Ali Baba'y ginagamit na lang dito kung san ito nagsimula, kung tatawagin ka nilang magnanakaw, at maraming ganyan dito. At dahil nga tungkol sa mga Ali Baba ang paksa ko ngayon ay narito ang mga patotoo.

Nitong nakaraang Eid Holidays ay mahigit kumulang na sandaang kabataan ng bayang ito ang nanloob, nagbasag at nag Ali Baba sa maraming establisyemento na tulad ng Mcdo, KFC, Starbucks, Chinese Tandori, mga mamahaling boutique ng mga imported na salamin sa mata atbp. Ginawa nila ito ng sabay sabay sa pamamagitan ng pag hahati hati sa kanilang grupo sa iba't ibang lugar at pag atake sa iisang oras na sa sang saglit lamang ay parang dinaanan ng delubyo ang mga kawawang negosyo. Noon ay holiday at katatapos lang ng ramadan na sana'y nakapaghikayat sa kanilang magpakabanal. Siguro'y si Kassim,ang tampalasang kapatid ni Ali Baba, ang kanilang iniidolo. Nadakip naman ng mga pulis ang karamihan sa kanila at nawa'y naparusahan nang hindi na pamarisan.

Sumunod naman ay nitong nakaraang Biyernes lamang kung saan ay mayroong nang Ali Baba sa isang sikat na Ospital dito sa pamamagitan ng pagkuha ng isang maliit na vault mismo na naglalaman ng halos dalawan daaang libong Riyales. Nakuhanan sa mga CCTV camera ang ginawa ng Ali Babang iyon subalit hindi naman ito nakilala. Kasi nama'y nakasuot ito ng abaya, ito ang itim na mahabang damit na sinusuot karaniwan ng isang Arabiana at ng lahat ng babaeng Expat sa bayang ito na may tabing pati ang ulo na tanging mata lamang ang nakalitaw at minsan ang kamay ay mayroon ding itim na gwantes. Nagpanggap itong isang babae na may tulak-tulak na Stroller ng isang sanggol kung saan niya ilalagay ang naturang vault. Malaya s'yang nakagala sa buong ospital ng walang pumapansin kahit na ang mga gwardya dahil inakalang s'ya ay isang babae at istrikto ang batas ng bayang ito tungkol sa pakikitungo sa mga kababaihan. Kinabukasan na nadiskubreng nawawala ang vault at ng ito'y tingnan sa rekord ng mga kamera ay di kakatwang wala silang nagawa kundi hangaan na lang si Ali Baba.

0 comments:

Post a Comment