Friday, 26 June 2009

The Lion hearted

Richard ang pangalan ng isang pinoy na nakasabay ko dito sa kumpanya, magaling at marami na syang karanasan sa trabaho sa Pinas na katulad rin ng aking propesyon.  Subalit sa mga oras na ito ay nagbibyahe na sya pabalik dyan sa atin, tinanggal sya dahil ang kumpanya daw ay nagcost-cutting dahil pa rin sa krisis. Sa katunayan halos kalahati ng populasyon ng bawat department ang tinatanggal para makatipid ang kumpanya. Nagsimula ito nang ang may ari nito na minsa'y naging pang animnaput dalawang pinakamayaman sa Forbes magazine at isa sa mga top shareholders ng bankong HSBC ay na-freeze ang accounts dahil sa bilyong pagkakautang sa gobyerno ng Saudi. At ngayon nga'y patuloy ang retrenchment at halos lahat ng mga expat na puti na may matataas na posisyon ay pinauuwi na rin.

Ngunit ang masaklap dito ay dahil  tatlong buwan pa lang si Richard kaya wala syang nakuha maski singkong duling at ang kanyang huling sahod ay hindi na ibinigay para daw ito sa kabayaran ng kanyang placement fees atbp. kaya sya pa ang may utang na humigit kumulang na SR700. Nang kanyang itanong kung bakit ganoon ay ipinakita sa kanya ang batas ng Saudi na nasa Article 80 Seksyon 6 na nagsasabing wala kang makukuha kung ikaw ay hired on probation at ikaw lahat ang magbabayad ng gastos mo. Hindi ko alam kung ano ang tunay na ibig sabihin ng seksyong iyon kaya kayo na lang ang humusga. Kami ay nahired as contractor na nasa probationary period pa lang di ko alam kung meron bang trabaho dito na casual tulad sa atin dahil sa pagkakaalam ko sa ganyan applicable ang batas na yan.

Sa makabagong panahon, ang mga batas ng kahit saang bansa ay may mga patas na kautusan na kailangan lamang unawain ng maayos at bigyan ng malawak na kaisipan na walang halong diskriminasyon anu pa mang lahi ang nasasangkot dito.

Si Richard ay isang biktima ng kababawan ng isip ng mga taong ito. Una pa riyan ay ang pagkaka pili ng pangalan nya sa lahat ng roaster ng halu halong letra ng mga pangalan ng Itik at iba pang kailangan mong ibaluktot ang dila mo para mabigkas. Noong una pa lang tawagin ang kanyang pangalan ay naitanong na daw sa kanya kung kilala nya si Richard the Lion hearted at ang sabi nyay hindi, kaya iiling iling at nakangiti lang ito, at tuwing syay magpapakilala kung kaninu man ay sikat na sikat ang kanyang pangalan na para bang matagal ng kilala ang pangalan nya.

Sa mga di nakakaalam o sa mga ayaw ng mag research, si King Richard I ng Inglatera ay tinaguriang 'the lion hearted' dahil sa kanyang tapang at nakilala sya sa pagpatay sa napakaraming moro dito sa Gitnang Silangan na pinamumunuan ni Saladin at iba pang mga sultan noong ikatlong Krusada na tinaguriang krusada ng mga hari.

Si Richard ay uuwi ng halos butas ang bulsa, nakakaawa ma'y wala akong magawa kaya ito na lang ang maitutulong ko. Hindi man lamang sya nailagay sa pwesto ng buong dalawang buwan nyang pagpasok sa trabaho kaya hindi nga nila pwedeng sabihin na sya ay bumagsak sa ebalwasyon dahil ni hindi man lang sya nasubukan, wala rin naman syang ginawang kasamaan dahil hindi naman nya kayang pumatay ng mga moro dahil lipas na ang panahon ng mga krusada. 

Sa mga kinauukulan kung sino man ang gustong mamulitika dahil malapit na ang eleksyon, magpapasalamat pa rin ako kung matutulungan  nyo ang mga katulad namin sa mga ganitong sitwasyon. Pano na lang kung liman daan kaming manggagawa na na hire at pina alis ng sabay sabay pagkatapos ng dalawang buwan? At sabihing krisis kaya kami'y walang makukuha at kailangan pang bayaran ang placement fee sa Pilipinas. Pati ang aming plane ticket kami rin daw ang sasagot sa ganoong sitwasyon, ito ang maling interpretasyon sa batas...      

Sana'y magpa change name na ang mga Richard na nagbabalak pumunta dito.

0 comments:

Post a Comment